Tuesday, August 31, 2010

Musikang Pilipino sa Saliw ng Pambansang Pagkakakilanlan

Muli kong pinatutugtog ang mga paborito kong mga kanta sa aking playlist. Ginugunita ko noon ang mga panahong nalilinya pa sa mga kanta ang aking hanapbuhay. Karamihan sa mga ito ay umaayon sa aking nararamdaman, saya, kalungkutan, galit, bagot, at iba pang salik ng damdamin. Pinagagaan nito ang aking pakiramdam at sa pagpapalipas ko ng oras ay nakakaakit ito ng kanyang mga tagapakinig para ito magtanong at makilagay sa kani-kanilang mga audio devices (MP3 player, iPod, mobile phones, flashdrives, atbp.). Kapag sa aking mga regular kong mga kliyente ay magpapamungkahi sila ng mga awiting nababagay sa kanilang personalidad at natutuwa naman ako na ang mga ibinibigay ko ay nahahanay sa kanilang hilig o genre. 


"Music expresses that which cannot be said and on which it is impossible to be silent." --- Victor Hugo
Nasasabi ng awitin ang anumang nararamdaman nito na hindi kayang mailabas ng nakakaramdam nito. Dito nababanaag ang mga mensaheng pumupukaw sa damdamin ng kanyang mga tagapakinig lalo na kapag ipinapatungkol ito sa kanilang kasalukuyan o nakaraan nitong naranasan. Sa isang iglap, naibabaling natin ang ating atensyon rito mula sa ating mga kinauupuan upang pakinggan ang bawat liriko ng awitin, kasabay ng malamig na tinig ng mang-aawit at nakakapanayong mga himig na dumadaloy rito.


Ganito tumatalab ang musika sa ating mga puso't isipan, kaya sinasabi ring isa ito sa maaaring kasangkapan upang ito ay maging bahagi ng ating kultura na siya namang yayakap sa kanyang pinagmulan lalo na kapag ang sariling wika ang ginamit sa kanyang mga liriko. Napapalawig nito ang mga matatalinghaga at malalalim na kahulugan na inihahatid ng awitin at ang mga balarilang napapaloob dito ay nakakadagdag din sa ating mga talasalitaan na maaari rin nating magamit sa pakikipagtalastasan.
"Kay ganda ng ating musika
Kay ganda ng ating musika
Ito ay atin, sariling atin
At sa habang buhay awitin natin.
"                                                                                       --- koro mula sa awiting "Kayganda ng Ating Musika" ni Hajji Alejandro
Ilan lamang ito sa mga maaaaring makatulong sa pagpapaangat para sa ating pambansang pagkakakilanlan at napakarami pang mga paraan upang tayo ay makatulong ukol rito. Sa patuloy na pag-inog ng mundo na ating ginagalawan, mahuhubog pa ito at sa mga darating mga panahon, bilang isang mamamayan ng bansang ito, tayo ay muling babangon mula sa ating kinasasadlakan at maipagmamalaki natin na tayo mismo ang naging susi sa pagsusulong nito. Kaya, bayang Pilipinas, ngayon ang ating simula tungo sa pagbabagong yaon. Humayo tayo't ipalaganap ang ating pagbabayanihan sa ngalan ng pagkakaisa. Pilipino tayo, sa isip, sa salita, at sa gawa.

Sunday, August 29, 2010

Mga Iniwang Bakas ni Ninoy Aquino: Tunay Nga Bang Alay ng Demokrasya o Punla Tungo sa Komunismo?

Naalala ko tuloy iyong lumabas na balita dati na kung si Noynoy Aquino raw ang magpapasya ukol sa pagpapalaya sa dating Pangulo na si Joseph Ejercito Estrada ay hindi nya raw ito bibigyan ng executive pardon dahil raw sa mga "kasalanan" nito sa bayan. May hinirit tuloy ang dating Pangulo sa kanya:
"Noong naupo ang kaniyang ina (Cory Aquino) eh, pinarelease niya ang komunista na si Jose Maria Sison, tapos pinasunod niya si [Nur] Misuari [at pinalaya] niya si…Kumander Dante," --- panayam kay Estrada sa GMA News and Public Affairs’ Hiritan 2010


 Sa halos lahat ng mga pampublikong libro ay bayaning-bayani ang imahe ni Ninoy Aquino. Pinangaralan at ang kanyang pangalan ay isinunod sa mga nabanggit bilang parangal: mga gusaling pampamahalaan, kalye, salapi, awitin, tula, at iba pa. Lahat ay natamasa nito sa panahon ng pag-upo ng kanyang maybahay na si dating Pangulong Corazon Aquino at tila walang puknat nitong itinatanim sa mamamayang Pilipino ang pagiging martir ng kanyang asawa sa pagharap niya mula sa bunganga ng panganib.

Kahit nga ako, noong mga panahon na nasa elementarya at sekundarya ako, ay iyon ang mga itinuturo sa amin ng aming guro sa kasaysayan. Gayundin sa mga napapanood ko sa telebisyon na kung saan ay binibigyan siya ng tributo at paulit-ulit itong ipinalalabas bilang alaala sa kanyang nagawang kagitingan. Kaso kamakailan lang ay nag-iba bigla ang ihip ng hangin nang ako ay makabasa ng mga artikulo ukol sa nakaraan ni Ninoy Aquino at lalo akong nagulumihanan sa mga nakalap kong impormasyon tungkol dito. Sa tulong rin ng ilang mga kaibigan at ilang mga pagsasaliksik, dahan-dahan kong ibinalangkas ang mga kaganapan at pangyayari at noong akin itong ikumpara sa mga libro ng kasaysayan at sa mga pahayagan, ay malayong malayo ito sa paglalarawan sa kanya. Aking ikukuwento ang paglalahad na natuklasan ko.

Ayon kay F. Sionil Jose, may ilan siyang mga interesanteng paglalahad tungkol kay Ninoy Aquino:
1.  Ninoy believed only a revolution could cure the chronic ills of Philippine society, but wrestled with how it could be achieved with just a few hundreds dead.
2.  It was Ninoy who introduced Dante Buscayno, the leader of the NPA, to Joma Sison, founder of the Communist Party of the Philippines.
3.  Ninoy Aquino was indeed supporting the NPA,  this according to Victor Corpuz.

Noong mga panahon na peryodista pa lang ng Manila Times si Ninoy Aquino, ay ipinadala ito sa Korea upang mag-ulat ng mga balita ukol sa nangyayaring digmaan sa pagitan ng Hilagang at Timog Korea. Nasaksihan niya ang isang tagpo na kung saan binago nito ang kanyang pananaw ukol sa kahulugan ng demokrasya at komunismo. Nakita nya kung paano tinatrato ng masama ng mga taga-Timog na tagasulong ng demokrasya ang mga bihag nitong mga taga-Hilaga na sumusuporta sa komunismo. Sumama pa lalo ang sitwasyon sa pangingialam ng mga Amerikano sa nasabing digmaan.



Sa kanyang pag-uwi ay namumutawi sa ang tungkol dito at ikinumpara niya ang mga pangyayari doon at sa Pilipinas na kung tutuusin ay may pagkawangis ang kinasadlakan nito at itinanim sa kanyang isipan na kinakailangan ang konsepto ng komunismo sa Pilipinas. Kaya nangalap ngayon siya ng mga taong makakatulong sa kanya upang maisakatuparan ang kanyang binabalak na pagsusulong sa komunismo. At sa kanyang paghahanap ay nakilala nito si Jose Maria Sison na noon pa lang ay isang youth organizer. Nag-usap ang dalawa at nagkasundo sa kanilang mga paniniwala at ipinaglalaban, kaya dito nag-ugat ang pagkakatatag ng Communist Party of the Philippines (CCP). Nang lumalaki na ang bilang ng kanilang mga tagasuporta ay naisip ni Aquino na mangangailangan ito ng lakas-militar na siyang magpapatupad ng kanilang mga adhikain. Sa tulong ni Joma Sison ay isinama si Aquino upang ipakilala siya kay Ka Dante Buscayno at binuo nito ang New People's Army.

Nang malaman ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang presensya ng CCP-NPA at sa lumalaking bilang ng hanay nito, siya ay lubos na nabahala at gumawa ito ng kaukulang hakbang dahil itinuturing niya itong malaking banta sa pagtataguyod ng demokrasya. Lalo pa nito pinaigting ang kampanya nito nang maganap ang pambobomba sa Plaza Miranda at iba pang mga naganap na kaguluhan sa iba't ibang panig ng bansa, na sa kalaunan ay nagdeklara ito ng Martial Law noong Septyembre 21, 1972 sa bisa ng kapangyarihan ng Proklamasyon 1081. Sinuyod nito ang halos lahat ng mga maaaring maging banta sa pamahalaan at ipinakulong ito. Kabilang si Aquino sa mga hinuli at ipiniit ng mga sundalo.



Ang pagkakapatay sa kanyang paglapag sa Tarmac noong Agosto 21, 1983 ay maituturing na isang nagbalatkayong biyaya para matakpan ang katotohanang bumabalot kay Ninoy Aquino ukol sa kanyang partisipasyon sa pagsusulong ng komunismo sa bansa at naging daan ito upang mapalaya ang mga pangunahing tauhan sa kanilang pakikibaka. Nailikida ang mga magtatangkang magsalita ukol rito at ang mga lider ay ipinatapon sa ibang bansa bagkus nabigyan ito ng political asylum.

Naging mabunga ang pag-uusap namin ng isang kaibigan na nagbigay sa akin ng kaukulang kaalaman ukol rito at upang masuportahan ang kanyang mga naging pahayag ay naglaan ako ng oras upang magsaliksik ng mga kronolohika ng mga pangyayari sa likod ng pagkakadawit ni Aquino sa pagkakatatag ng komunismo sa Pilipinas. Sa patuloy ng pag-inog ng kasaysayan ay lalo pa nito mapapahubog ang mga tunay na pangyayari na hindi lamang tiningnan sa isang anggulo lamang. Isa lamang ito sa mga impormasyon na pilit na itinatago sa mata ng publiko subalit may kasabihan ika nga, "walang lihim na hindi nabubunyag." At kung hindi man ako ang makatuklas nito ay mayroong mga taong kagaya ko ang makakakita ng interes at kabuluhan nito na siyang magpapatuloy ng aking pagpupunyagi para sa pagtuklas ng katotohanan ukol rito. At sa pagtatapos nito, nais kong iwan ang katanungang ito at bigyan ito ng kaukulang pangangatwiran. Si Benigno Aquino Jr. nga ba ay bayani ng demokrasya o tagapagtaguyod ng komunismo? Ano sa palagay ninyo? Ako kasi, hindi ako mapalagay...

Friday, August 27, 2010

Ang Mabuhay at Mamatay sa Diwang Kawalan: Si Venus Raj Bilang Binibining Pilipinas-Universe

Question: "What is one big mistake that you've made in your life, and what did you do to make it right?
Answer: "You know what, sir? In my 22 years of existence, I can say there is nothing major, major, I mean, problem that I have done in my life" --- Tanong ni William Baldwin kay Bb. Pilipinas Universe 2010 Maria Venus Raj 



"Pansin ko lang ha.uung ibang contestant may translator. dapat yung Philippines meron din para at least naiexpress nya sa pilipino na words tapos tinranslate na lang sa English hehehehe..." --- komento ni cloudreacher via YouTube
  Naging sentro ng palakpakan at halakhakan ang naging pahayag nito ni Maria Venus Raj mula sa tanong ni William Baldwin sa sinalihan nito sa Miss Universe na kung saan siya ang kinatawan para sa bansang Pilipinas. Buti at nakuha pa nito ang ikaapat na puwesto sa kabila ng kanyang naging sagot na halata namang nahaluan ito ng kaba at kahit ba na batid na nito ang kanyang pagkakamali ay huli na para sa kanya. At sa karaniwang tagpo sa ating mga Pinoy ay ang pagiging mapamintas nito sa bawat pagkakamali ng kapwa natin mula sa pinakamaliit na detalye ng isang salita hanggang sa pinakakritikal na kaugnayan nito.


Sa unang pagkakataon na marinig natin ang kanyang naging kasagutan ay matatawa tayo. Inaamin kong isa na rin ako sa mga taong iyon. Subalit, napag-isip-isip ko ay ganito. Bakit ang hilig-hilig nating manghusga na kung tutuusin, ang pinakamalaking pagkakamali ay nasa atin at isipin ninyo rin ito. Hindi lamang minsan natin ito ginawa, kundi sa halos lahat ng ginagawa natin. Alam nyo ba kung ano? Ang pagpupumilit nating makipagtalastasan sa pag-iingles gayong may sarili naman tayong wika. Palibhasa kasi, naitanim na natin sa ating mga sarili na ang bansang ito ay bantog na sa kahusayan nito pagsasalita ng Ingles. Bakit ang mga ibang nasyon, may mga tagasalin sila para maiparating ito sa mga hurado ang kanilang mga sagot. Hindi namang itinakda ang salitang Ingles lamang ang kailangang gamitin sa nasabing patimpalak gayong pilit pa rin nating pinagtutulakan ang magpakitang gilas sa mga dayuhan.

Naalaala ko tuloy ang kasabihan ni Dr. Jose Rizal tungkol sa paggamit ng wikang pambansa na ang hindi pagmamahal nito ay daig pa sa mabaho at malansang isda. Sa puntong yaon ay isa itong napakalaking sampal sa bawat isa sa atin dahil niyakap natin nang husto ang wikang Ingles na ipinamana at ipinagyaman sa atin ng mga Amerikano. Dito lamang sa Miss Universe ay isinantabi ni Bb. Raj ang ating katutubong dila na minana niya mula sa mga dumaang naging kalahok at kinatawan nito.



Ang nangyari kay Bb. Venus Raj ay magsilbi sanang aral at nawa sa mga darating pang mga lalahok sa mga kagaya nitong mga patimpalak ay maisulong sana nito ang pagtangkilik sa wikang Pilipino bilang simula sa ating pagkakaisa tungo sa ating pambansang pagkakakilanlan. Hindi natin dapat ikahiya ang ating pinagkaugatan. Para kay Bb. Raj, nangyari na ang nangyari, kahit ano pa ang gawin natin ay hindi na natin maibabalik ang nakaraan kaya ang tanging magagawa mo ay ang magpatuloy lamang sa buhay dahil hindi naman dito matatapos ang iyong legasiya bilang Filipino at sa mga tumutuligsa sa ating kinatawan, may kasabihan po na "bago nating punahin ang dumi ng iba, ay manalamin muna at tingnan ang sarili kung ito man ay may dumi." Ginawa naman niya ang lahat sa abot ng kanyang makakaya upang sumulong hanggang sa huli tagpo ng paligsahan. Tayo ay magalak dahil mayroon naman siyang naiuwing karangalan kahit paano.

At sa pagtatapos ng blog na ito, iiwan ko naman sa inyo ang naging katanungan kay Venus Raj? Ano ang isa sa pinakamalaking pagkakamali na nagawa mo at ano ang iyong ginawa rito upang maitama ito? Ano nga ba at saan kaya tayo magsisimula?

Thursday, August 26, 2010

Krisis sa Pamimihag sa Maynila: Isang Pansariling Pagsusuri

"The Manila hostage crisis occurred when a dismissed Philippine National Police officer took over a tourist bus in front of the Quirino Grandstand in Rizal Park, Manila, Philippines on August 23, 2010 (Two days after Ninoy Aquino Day). Disgruntled former senior inspector Rolando Mendoza, from the Manila Police District hijacked a tour bus carrying 25 tourists from Hong Kong in an attempt to get his job back. He said that he was summarily dismissed without the opportunity to properly defend himself, and that all he wanted was a fair hearing.
As a result of the ten-hour siege, the ensuing shootout, and a botched rescue attempt by Philippine national police watched by millions on live television news, eight of the hostages died and nine other people were injured." --- mula sa en.wikipedia.org
 Here is the chronological list of events that unfolded during the hostage crisis at the Quirino grandstand.
•10:15 a.m. –Dismissed Senior Inspector Rolando Mendoza boards tourist bus at Intramuros.
•12:15 p.m. – Mendoza released the first batch of hostages which included three Chinese children.
•3:00 p.m. – Mendoza sets deadline for demands.
•6:00 p.m. – Mendoza receives letter from the Office of the Ombudsman saying they will review his case.
•7:10 p.m. – Police arrest Mendoza’s brother, SPO4 Gregorio Mendoza. Mendoza watching the footage tells an RMN anchor over the phone that he will start firing at the tourists if his brother is arrested. This is the last time Mendoza is heard on the air.
•7:21 p.m. - First two shots followed by succeeding fire are heard from the bus. Snipers tires to immobilize the vehicle.
•7:30 p.m. - Bus driver escapes through the driver side window, going straight to the mobile command and shouting that all the hostages had been killed.
•7:37 p.m. - Members of a SWAT team start to surround the bus. They breakdown the windows and doors by using sledgehammers.
•7:40 p.m. - More gunshots. Police advance towards bus.
•7:45 p.m. - Policemen fasten a rope around the glass door to force it open.
•7:51 p.m. - Police lob tear gas inside the bus through the broken windows.
•8:04 p.m. – more shots heard but uncertain if it came from inside the bus.
•8:10 p.m. - Police pull rope but snapped.
•8:40 p.m. –More shots fired but still unclear if it came from outside or inside the bus.
•8:45 p.m.. Police begin to approach the bus. reportssay that a sniper says he has shot and killed the hostage-taker.
•Around 9:00 p.m. Police open the rear emergency exit. Police hesitate at first in entering the bus but eventually force their way in. Several hostages walk out, while others are carried on stretchers and brought to waiting ambulances.
•12:30 a.m. President Aquino gives a press conference about the hostage crisis.
" Para sa akin, ang kawalan ng hustisya ang nagdala sa kanya (Medonza) sa kawalang-pag-asa na nagresulta sa malagim na insidente kahapon." --- Jessant So, The Official Joseph Ejercito Estrada Fan Page via Facebook
 Tatlong araw na ang nakalipas ay hindi pa rin nawala sa ating isipan at hanggang ngayon ay laman ng usapan ang hostage taking na naganap sa tapat ng Quirino Grandstand noong Agosto 23, 2010. Isa lamang siya sa mga nakapagbigay ng kanyang makatwirang komento ukol sa nasabing kaganapan. Kung tutuusin, ang dami pang mga nakapagbigay ng kani-kanilang mga kuro-kuro at saloobin: paninisi, pangungutya, pangungulayaw, atbp., hindi lamang sa facebook, kundi pati na rin sa mga iba pang mga social network sites, blogspots at forum corners. At ang masakit nito, hindi lamang ang ating mga kababayan ang nakatuon dito, kundi naibaling na rin ng buong mundo ang kanilang mga mata, partikular na ang kanilang pambabatikos at paninisi sa hanay ng makapangyarihang PNP at sa pagkuwestiyon sa kakayahan ni Benigno Simeon Aquino III sa pagbibigay nito ng maingat na pagpapasya sa mga kagaya nito.



Isa lamang si ex-Capt. Mendoza sa mga naging biktima ng mabagal na pag-usad ng hustisya at kung ating susundin ang bawat taludturan ng mga pangyayari ay mapapaisip kung tayo man ang lumagay sa kalagayan niya, ano ang maaaring magawa natin lalo na at alam natin sa ating sarili na nais lamang nating mabigyan ng pantay na karapatan upang maipagtanggol ito sa mata ng batas. Lubhang nakakabahala talaga at naging kahiya-hiya ang naging wakas nito at muli na namang namantsahan ang pangalan ng ating bansa ng mga dayuhang kritiko, salamat sa ating mga nagmamagaling na kasapi ng midya at ang kanilang todo tutok sa bawat galaw ng mga pangyayari sa ngalan ng sensasyonalismo.

Isa-isang nagsisisulputan ang pagkainutil ng pamahalaan na parang isang taong maysakit na unti-unting nakikitaan ng mga sintomas at bawat patak ng oras ay lalo pang lumulubha ang kalagayan nito. Lapatan ito ng agarang lunas bago pa mahuli ang lahat. Tamang paggabay, disiplina at pagsusulong ng mga benepisyo sa kapulisan ang isa sa mga maaari kong mungkahi para sa epektibong paglilingkod-bayan. Isa pa ang  pagdaragdag ng kanilang badyet sa mga makabagong kagamitan sa pagsusuri at pag-iimbestiga sa kanilang hanay kundi para rin makatulong sa mabilis na pag-usad sa tinututukan nilang mga kaso. Sila ay ang mga alagad ng batas na siyang dapat nating igalang at sundin bagkus mayroon mang mangilan-ilang mga "iskalawag" o "kotong cop", ay ipaubaya lamang natin ito sa tamang awtoridad ang pag-iimbestiga. Gayundin naman sa sistema ng hustisya, na mayroon ding mga "nagpapasabit" at "nagpapadikta," na kung mas palalawigin nila ang tamang pagpapasya ukol sa mga tunay na nagkasala na mga opisyal at hindi magpapaimpluwensya sa pagkasilaw sa salapi o kapangyarihan.

Isa na namang hamon ito sa liderato ng kasalukuyang pamahalaan. Ano ang maaari nitong magawa para maibsan ang lumalalang kalagayan ng ating bansa? Nagkakaroon ito ng domino effect sa mga nasasangkot na ahensya ng pamahalaan at siyempre ang nasa dulo nito ay babagsak tungo sa pinakaulo nito, ang Pangulo ng Pilipinas. May iiwan akong katanungan at itanong ninyo rin sa inyong mga sarili kung ito ba ay akma sa sitwasyon o hindi. Sa kabila ng krisis ng pamimihag sa Maynila at sa mga kagaya nito, bilang mamamayan ng bansang ito, ano ba ang mas dapat nating isipin, ang ating kahihiyan sa mga mapagmasid na mga dayuhan na walang inatupad kundi ang maliitin at tuligsain ang bawat galaw natin o ang bumangon bilang isang bansa at maging malaya sa pagkakagapos mula sa ating kaisipang kolonyal at makibahagi sa pagsulong ng ating pambansang pagkakakilanlan. May oras pa ba o huli na ba ang lahat? Makita't malaman...

Tuesday, August 24, 2010

Jejemon Atbp.: Katigan o Litisin?

"Jisa, krolawa, shotlo, kyopat, jima, kyonim, niyotert, walochi, siyamert, Krompu! Eow phowz..."

Habang umuusad ang ating panahon sa mga makabagong mga teknolohiya mula sa mga gadgets, fashion statements, lutong ulam, at iba pang mga pausong naaayon sa panlasa ng masa at trendsetters, hindi naman magpapahuli ang mga nagtatalbugang mga talastasang kakaiba sa ating pandinig at paningin na ang kanilang pangunahing pinamumugaran ay ang ating mga mobile phones, chat sa internet at pati na rin sa aktuwal na pag-uusap ng mga nagkasundo ng vibes o lebel ng pag-iisip. Ilan rito sa mga nabanggit ay ang paggamit ng jejemon, bebemon, gay lingo, at iba pang mga pausong mga termino na ginagamit sa kanilang pakikipag-usap.

Bago pa man naipanganak ang salitang jejemon ay marami-rami na rin ang gumagamit ng kaparaanang ito bilang midyum sa pakikipagtalastasan sa pamamagitan ng SMS o pagtetext at sa chat. Bumulusok ang kasikatan nito nang ito ay napapansin na ng madla. Ang jejemon, ayon sa en.wikipedia.org:


The word "Jejemon" supposedly originated from online users' penchant to type in "hehehe" as "jejeje", either because "jeje" is derived from Spanish, whose speakers denote the interjection as laughter, or because the letters "h" and "j" are beside each other, and that it is appended by "-mon" that came from the Japanese anime Pokémon, with "-mon" meant as "monster," hence "jeje monsters.
Binubuo ito ng mga pinaghalu-halong salita na mula sa English, Filipino at pati na rin sa Taglish. Ang kanilang alpabeto na tinatawag na Jejebet ay gumagamit ng mga alpabetong Romano, kasam na rin ang mga numerikong Arabe at ng mga espesyal na mga characters. Muli nila ito isinasaayos mula sa tamang kaayusan ng mga letra at nilalagyan nito ng arte sa pamamagitan ng paglalabis nito ng mga letra tulad ng H, X o Z. Ilan sa mga halimbawa nito ay ito:

  • Filipino: "3ow ph0w, mUsZtAh nA?" translated into Filipino as "Hello po, kamusta na?, translated into English as "Hello, how are you?"
  • English: "i wuD LLyK tO knOw moR3 bOut u. crE 2 t3ll mE yur N@me? jejejejeje!" translated into English as "I would like to know more about you, care to tell me your name? Hehehehe!"
  • aQcKuHh- means me/ako
  • lAbqCkyOuHh- means I love you
  • yuHh- means you/yes
  • jAjaJa- garbled words conveying laughter
  • jeJejE- a variation of jAjaJa; conveys sly laughter
  • iMiszqcKyuH- means I miss you
  • eEoWpFhUeEhsxz - means hi/hello
Ang bebemon ay isa na namang terminong pinauso ng mga kabataan. Ito ay isang tao na nakikipag-usap, nakikipag-chat o nagtatayp sa mga chatroom, blogs, forums o kahit sa facebook na parang isang sanggol o bata, na ayon rin sa blog ni Aie Salas ay:

"Bebemon" is a combination of the words Baby for "Bebe" and Pokemon for "Mon".

With Bebemons, the letters "D", "T" and "Y" are used more frequently, replacing most consonants in a sentence. For example, the phrase "Matutulog na po ba kayo Kuya?" becomes "Matutuyod na po ba tayo Tuya?" or "Naiinis na ako sa 'yo!" is changed into "Daiinit na ato tayo!" HAHAHAHAHA..

 Ang paggamit ng gay lingo na sikat na sikat sa mga nabibilang sa ikatlong kasarian, partikular sa mga bakla, ay ang mga naiisip na bokubolaryo ay mula sa kanilang pang-araw-araw na usapan,tsismisan, pinagkakatuwaan o umpukan hanggang sa nakaipon ito ng mga kalipunan ng mga salita na kulang na lang ay makagawa sila ng panibagong diksyunaryo na natatangi lamang para sa kanila. Ilan ito sa mga makukulay at nakakamanghang mga halimbawa:

Anik / Anetch — ano (what) / which
Balaj — balahura (shameless)
Bitter Ocampo — malungkot (sad) / nagngingitngit (fuming mad) / bitter
Baklah / Baklush — used instead of one’s name, may refer to any gender
Givency / Janno Gibbs / Debbie Gibson — bigay (to give)
That’s Entertainment / Anda / Andalucia / Anju / Anjo Yllaña — datung (money)
Fatale — sobra (excessive) / to the max
Feel / Fillet o’ Fish — type / gusto / natipuhan (like)
Fly — alis (leave)
Forever — palagi (always) / matagal / mabagal (slow)

Mahalia Jackson — mahal (expensive)
Kuya Germs — madumi (dirty) / bearer of germs
Lucresia Kasilag — lukaret / baliw (crazy)
Lucita Soriano — loser na sorry pa
Luz Valdez — matalo (to lose)
Winnie Santos — manalo (to win)
Award — pinagalitan / pinagsabihan (reprimanded)
Ano nga ba ang dahilan kaya nagiging bahagi ito ng kanilang salindila? Maliban sa magagawa nitong maisulit ang kanilang pagtetext ay may pampadagdag arte rin. Sinasabi rin na "pa-cute" ito sa kani-kanilang mga kausap. Isa pang salik nito ay ang pagiging "in" sa kanilang hanay at kung marami kang alam sa kanilang wika, ika nga ay "pasok ka sa banga!" Nakakadagdag raw ito ng papogi points at kung hindi naman, ikaw ang magiging sentro ng usapan dahil sikat ka na. Anu-ano pa ang kanilang mga kadahilanang ito ay patuloy pa rin ito dumarami at lumalaki ang kanilang mga bilang.

Katigan man natin o hindi ang mga sumusunod na mga termino o pauso, wala pa rin ito sa ating mga kamay para husgahan o hatulan natin ang kanilang pamamaraan sa pagpapahayag.  Kung ating tutuligsain ang mga kagaya nito ay magbibigay ako ng ilan sa mga halimbawang kagaya nito sa ibang bansa. Kung inyong maaalala ang pelikulang Clueless na pinagbibidahan ni Alicia Silverstone at ang Trainspotting ni Ewan McGregor, nagsulputan doon ang mga nakakapanibagong mga termino na kung saan ito ay naging bahagi ito ng kanilang personalidad at pang-araw-araw na pananalita.
1. Give (someone) 'snaps'= from snapping the fingers, I suppose
2. jeepin' = (Dionne defines indirectly, as 'vehicular sex'
3. outie = out of here/leaving. For 'outie', you will hear something that sounds like a German automobile, 'Audi'. In fact if you have a closed caption machine on your video, you'll see that the caption maker uses 'Audi' for that expression. Shows you must beware of closed captions. 
4. buggin'/totally buggin' = at a total loss, freaked out, unable to cope
5. be toast = finished, ruined 
6. go ballistic = be furious
Maliban pa rito, ang sinasabing pinagmulan ng jejemon, ang L337 o sa mas kilalang tawag na Eleet o Leetspeak na siyang ginagamit madalas sa internet at network gaming. Gumagamit ito ng mga kombinasyon mula sa mga karakter ng ASCII upang halinlinan ang orihinal na pagkakaugnay nito. Ang kahulugan ng Leet ay ang iyong natatanging at kahusayan mo sa larangan ng pagmamanipula at paghahari mo sa internet. Kapag naikabit na sa iyo ang terminong ito, ikaw ay sasambahin ng mundo ng internet dahil ituturing ka nilang IMBA (mahusay, magaling sa positibong depinisyon nito). Ilan ito sa kanilang pamamaraan ng paggamit:


Kung ating hahalungkatin ang kasaysayan noong unang panahon, sinasabi noon ang ating alibata ay nilalagyan ng animong "kodigo" na siyang panguhaning tagapaghatid ng mga mensahe at upang hindi ito mabasa ng kanilang mga espiya at kaaway. Ipinagsasalit-salit rin nito ang mga letra at ang kanilang pagkakaayos na tanging sila lamang ang nakakaalam ng nais nito ipahiwatig.


Sa paglalagom nito, nais ko pa ring ipagpasalamat na lumitaw ang mga ganitong uri at klase ng talasalitaan dahil dito natin nakikita na tumataas pa rin ang antas ng ating depensa pagdating sa tamang paggamit ng mga salita at pangungusap. Naaalala ko tuloy ang isang komentaryo na nabasa ko noon sa kaibigan ko na si Arvin Valderrama na hindi sapat ang punahin at ipakita ang ating pagkamuhi sa mga gumagamit ng mga kagaya nito bagkus ang totoong pagkatuto ay dapat magmula mismo sa ating mga sarili. Totoong hindi natin ito maipagmamalaki sa ating sarili at sa bayan pero ang katotohanan sa likod nito ay sa kahit anong tayog ng ating kinatatayuan ay dumarating ang mga pagkakataon na tayo ay napapahiya at nagkakamali rin. Nagkakada-bulol bulol nga tayo minsan sa pakikipag-usap sa sariling wika at mas binibigyan pa natin ng oras ng pag-eensayo ang pakikipagsabayan sa mga naglitawang mga inglisero kaya kung tutuusin, nasa kasukdulan pa tayo higit pa sa mga jejemon at mga kauri nito. Sa ganang akin, kahit malawak ang aking talasalitaan ay marami pa akong hindi nalalaman at nangangapa pa ako para sa aking patuloy na pagkatuto. Kung talagang sinsero tayo sa ikatatayog ng talastasang bayan, ating ikalat at ipalandakan ang paggamit ng sariling wika at bigyan ng sariling pagkamulat at kaukulang respeto ang mga nakasanayan na ang mga pausong mga termino at pakikipagtalastas.

Sunday, August 22, 2010

Ang Alamat at ang Dinalumat

sanib pd. pagsasama, pakikipisan, pag-iisa; diwa pn. kahalagahan, kahulugan
Sinasabi ng mga matatanda na ang pagkatuto ay isang panghabambuhay na proseso. Tuwiran man o hindi natin nagagawa ito, kusa ito namumutawi sa ating isipan na siya namang nagiging bahagi na ng ating karaniwang buhay. Gayundin ang kasabihang "Ang karanasan ay isang mabisang guro." Sa pag-usad ng ating panahon sa pamamagitan ng ating mga karanasan, lalo pang lumalawak ang ating kaalaman at nakikipagsabayan tayo sa agos ng oras.

Most people are other people. Their thoughts are someone else's opinions, their lives a mimicry, their passions a quotation.  --- Oscar Wilde

Isa sa mga salik sa mga pagbabagong-anyo ng panahon ay ang pagpapalitan ng mga kaalaman at ideya o ang pakikipagtalastasan. Palitan ng mga kuro-kuro, balitaan, bangayan, balitaktakan, kwentong barbero, at maaari rin natin isama ang mga usap-usapan o tsismisan sa mga kapit-bahay. Ang lahat na ito ay kalipunan ng pinagsanib ng mga diwa na binigyang-diin, binusisi at pinag-aralan upang makabuo ng isang konseptong makatwiran at may saysay. At mula rito, namumuo ang ating pinanghahawakan nating paniniwala at prinsipyo na kung saan atin itong isinasalin at ibinabahagi sa ating mga kausap, pinangangatwiranan at pinaninindigan.



Ito ang kaisipang ibig iparating ng sanib diwa. Itinutukoy nito ang ating pagkatuto mula sa mga talastasan at ito ay ating isinasabuhay para sa pagyabong ng ating kaalaman ukol sa kalinangang bayan. Makibahagi tayo sa ikasusulong ng talastasang bayan at magsilbing tulay para sa ikatatagumpay nito. Matutong makinig at manimbang sa mga katwiran at argumento at kung ito ay naaayon man o hindi sa iyong nalalaman at konteksto, bigyan ito ng kaukulang respeto at pagpugay. Ito ang kalipunan ng mga pinagsanib na diwang makatwiran at may saysay. Ito ang SANIB DIWA.

Saturday, August 21, 2010

Tungo sa Pambansang Pagkakakilanlan: Ang Wikang Pambansa

Saan nga ba nag-ugat ang pagsusulong ng ating pambansang wika?
"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa mabango at malansang isda" --- Gat. Jose Rizal 
Inaatasan ang Pambansang Kapulungan upang gumawa ng batas ukol sa pagkakaroon at paglalagom ng iisang kikilalaning wika batay sa ating mga katutubong wika. Sa tulong ni Manuel L. Quezon at sa pagkakatalaga kay Lope K. Santos, naitatag ang Surian ng Wikang Pambansa sa bisa ng Batas Komonwelt Blg. 184 noong Nobyembre 13, 1936, upang pag-aralan at surian ang iba't ibang mga katutubong dila sa layuning makahubog at makabuo ng isang pambansang wika.

Pagkatapos ng masusing pagtatalakay at pagbabalangkas, noong Nobyembre 9, 1937, inirekomenda ng Surian ang paggamit ng Tagalog bilang pamantayan sa pagbuo ng ating pambansang wika. At mula roon ay nailimbag ang mga balarilang Filipino na gagamitin upang maipalaganap ang wikang naging bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay



Ano nga ba ang kahalagahan ng paggamit ng sariling wika?  Ayon sa ama ng Pantayong Pananaw na si Dr. Zeus Salazar, ang paggamit ng sariling wika ay isang mabisang paraan ng pagbibigay-kapangyarihan sa bayan sapagkat ang wika ay kapangyarihan. Paraan rin ito upang magkaroon tayo ng pambansang pagkakakilanlan at magsilbing tulay na magdudugtong tungo sa ikasusulong ng isang nagkakaisang bansa. Tayo ay muling maging bahagi ng bayan at ang wikang ating kinagisnan at ipinaglaban ay ating mahalin at tangkilikin at itakwil ang mga wikang dayuhan na nagpapabalatkayo sa ating pagkatao. Hindi kinakailangan ang mabasbasan tayo ng ibang nasyon dahil bago pa natin yakapin ang kanilang kabihasnan ay atin munang panindigan ang sarili nating kultura at identidad. 

Friday, August 20, 2010

Davide: Ang Dasal sa Gitna ng Panganib

"He (Davide) is a former Chief Justice who has ignored the law not by neglect but by design. He is an opportunistic politician who has circumvented the law to further his personal interests, who has violated the law for personal convenience and greed, and who has gone as far as threatening members of the House of Representatives so that the truth can be suppressed." --- Senador Jinggoy Estrada sa kanyang naging privilege speech noong Agosto 17, 2010


Kung ating hihimay-himayin ang bawat anggulo ng pagkakatatag ng Truth Commission na ipinatupad sa bisa ng EO No. 1 ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III na ang layunin ay imbestigahan ang mga ipinasok na anomalya at katiwalian noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, nasa tamang plenaryo ito upang bigyan ng sapat na pansin subalit ang pagkakatalaga kay dating Chief Justice Hilario Davide ay isang maliwanag na banta upang maiusad pa ang gagawing pagsusuri ng nasabing Komisyon.



Hindi pa man nagsisimula ang nasabing komisyon ay naisalang agad ito sa kawan ng kumukulong mga batikos at reklamo na mula sa iba't ibang mga entidad sa hanay ng mga nasa oposisyon at pati na rin ang karamihan sa mga kaalyado ni GMA. Iba't ibang mga layunin ng kanilang pagtutol sa kanyang pagkakatalaga pero kung tutuusin, mayroon silang punto na kapag atin itong ihambing, iisa lang ang kanilang nais ipaabot rito: na walang kredibilidad at paninindigan na pamunuan ito ni Davide. 



Balikan natin ang mga naganap noong 2001 na kung saan pinasinayaan ni dating Chief Justice Davide ang impeachment trial na kung saan naisalang noon ang dating Pangulong Joseph Estrada. Sa kanyang pagdinig sa nasabing kaso ay hindi nya ito binigyan ng pagkakataon na matimbang ang mga katwirang idinulog sa kanya, bagkus ito ay kanyang kinusinti nang dinala ito sa kalye, na siya ring nakilala bilang EDSA Dos. Siya ay pumunta doon upang panumpain sa tungkulin ang bise presidente noon at sekretarya ng DSWD na si Gloria Macapagal-Arroyo. Nang ito ay kinilala at pinarangalan ang kanyang naging bahagi noong panahong iyon, sa kanyang pagretiro bilang Punong Hukom ay binigyan siya ng pwesto sa kanyang pamahalaan bilang presidential adviser on electoral reforms noong Enero 24, 2006.


Maliban pa rito, naisalang pa siya muli nang inakusahan ito na nilustay ang pondo na mula sa Judiciary Development Fund at sa kaso ng nepotismo na kinasasangkutan naman ng kanyang mga kaanak at ilan sa kanyang kapamilya. Inulan ito ng mga batikos sa pangunguna nila Rep. JV Bautista ng Sanlakas at ng ilang mga kongresista't senador. Marahan itong isinantabi ang kaso nito subalit sa iniluluto na planong pagpapaupo kay Davide sa Truth Commission, binasag ni Sen. Jinggoy Estrada ang kanyang katahimikan ukol rito at isa ito sa kanyang binigyan ng buhay sa kanyang naging privilege speech noong Agosto 17, 2010 bilang pagpapakita ng protesta sa naging hakbang ng Palasyo.



"President Benigno Aquino III's executive order that created the Truth Commission has pitfalls that could hamper the body's success in probing alleged corruption in government in the last nine years." ayon kay Sen. Miriam Defensor-Santiago.






Ang mismong Truth Commission ay nasisilipan ng maraming butas at ang pagkakatalaga kay Davide bilang pinuno nito ang mas nagpapaalab sa lumalalang apoy nito. Siya ay nakinabang sa mga biyaya ipinaulan sa kanya ng pamahalaang Arroyo at ang pagsalang sa kanya upang kastiguhin ang dati nitong amo ay isang napakalaking katanungan na namumutawi sa isipan ng mamamayan nito na higit na nakakaalam sa mga pangyayaring bumabalot sa ating bansa. Saan ngayon hahantong ang kasong ito? Anuman ang pasyang ihahatol ng nasabing komisyon ukol rito ay mag-iiwan ng mantsa na tatatak sa isipan ng nakararami. Ito nga ba ang tunay na diwa ng landas na matuwid? O marahil tayo ay unti-unti nang lumulubog sa kumunoy ng kanyang mga paanyaya't amis ng mga pangako? Atin itong busisiin at bigyang kamalayan dahil ang kinabukasan ng hustisyang pambansa ay mayroon nang nakaambang panganib.