Saturday, August 21, 2010

Tungo sa Pambansang Pagkakakilanlan: Ang Wikang Pambansa

Saan nga ba nag-ugat ang pagsusulong ng ating pambansang wika?
"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa mabango at malansang isda" --- Gat. Jose Rizal 
Inaatasan ang Pambansang Kapulungan upang gumawa ng batas ukol sa pagkakaroon at paglalagom ng iisang kikilalaning wika batay sa ating mga katutubong wika. Sa tulong ni Manuel L. Quezon at sa pagkakatalaga kay Lope K. Santos, naitatag ang Surian ng Wikang Pambansa sa bisa ng Batas Komonwelt Blg. 184 noong Nobyembre 13, 1936, upang pag-aralan at surian ang iba't ibang mga katutubong dila sa layuning makahubog at makabuo ng isang pambansang wika.

Pagkatapos ng masusing pagtatalakay at pagbabalangkas, noong Nobyembre 9, 1937, inirekomenda ng Surian ang paggamit ng Tagalog bilang pamantayan sa pagbuo ng ating pambansang wika. At mula roon ay nailimbag ang mga balarilang Filipino na gagamitin upang maipalaganap ang wikang naging bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay



Ano nga ba ang kahalagahan ng paggamit ng sariling wika?  Ayon sa ama ng Pantayong Pananaw na si Dr. Zeus Salazar, ang paggamit ng sariling wika ay isang mabisang paraan ng pagbibigay-kapangyarihan sa bayan sapagkat ang wika ay kapangyarihan. Paraan rin ito upang magkaroon tayo ng pambansang pagkakakilanlan at magsilbing tulay na magdudugtong tungo sa ikasusulong ng isang nagkakaisang bansa. Tayo ay muling maging bahagi ng bayan at ang wikang ating kinagisnan at ipinaglaban ay ating mahalin at tangkilikin at itakwil ang mga wikang dayuhan na nagpapabalatkayo sa ating pagkatao. Hindi kinakailangan ang mabasbasan tayo ng ibang nasyon dahil bago pa natin yakapin ang kanilang kabihasnan ay atin munang panindigan ang sarili nating kultura at identidad. 

No comments:

Post a Comment