Sunday, August 22, 2010

Ang Alamat at ang Dinalumat

sanib pd. pagsasama, pakikipisan, pag-iisa; diwa pn. kahalagahan, kahulugan
Sinasabi ng mga matatanda na ang pagkatuto ay isang panghabambuhay na proseso. Tuwiran man o hindi natin nagagawa ito, kusa ito namumutawi sa ating isipan na siya namang nagiging bahagi na ng ating karaniwang buhay. Gayundin ang kasabihang "Ang karanasan ay isang mabisang guro." Sa pag-usad ng ating panahon sa pamamagitan ng ating mga karanasan, lalo pang lumalawak ang ating kaalaman at nakikipagsabayan tayo sa agos ng oras.

Most people are other people. Their thoughts are someone else's opinions, their lives a mimicry, their passions a quotation.  --- Oscar Wilde

Isa sa mga salik sa mga pagbabagong-anyo ng panahon ay ang pagpapalitan ng mga kaalaman at ideya o ang pakikipagtalastasan. Palitan ng mga kuro-kuro, balitaan, bangayan, balitaktakan, kwentong barbero, at maaari rin natin isama ang mga usap-usapan o tsismisan sa mga kapit-bahay. Ang lahat na ito ay kalipunan ng pinagsanib ng mga diwa na binigyang-diin, binusisi at pinag-aralan upang makabuo ng isang konseptong makatwiran at may saysay. At mula rito, namumuo ang ating pinanghahawakan nating paniniwala at prinsipyo na kung saan atin itong isinasalin at ibinabahagi sa ating mga kausap, pinangangatwiranan at pinaninindigan.



Ito ang kaisipang ibig iparating ng sanib diwa. Itinutukoy nito ang ating pagkatuto mula sa mga talastasan at ito ay ating isinasabuhay para sa pagyabong ng ating kaalaman ukol sa kalinangang bayan. Makibahagi tayo sa ikasusulong ng talastasang bayan at magsilbing tulay para sa ikatatagumpay nito. Matutong makinig at manimbang sa mga katwiran at argumento at kung ito ay naaayon man o hindi sa iyong nalalaman at konteksto, bigyan ito ng kaukulang respeto at pagpugay. Ito ang kalipunan ng mga pinagsanib na diwang makatwiran at may saysay. Ito ang SANIB DIWA.

No comments:

Post a Comment