Tuesday, August 31, 2010

Musikang Pilipino sa Saliw ng Pambansang Pagkakakilanlan

Muli kong pinatutugtog ang mga paborito kong mga kanta sa aking playlist. Ginugunita ko noon ang mga panahong nalilinya pa sa mga kanta ang aking hanapbuhay. Karamihan sa mga ito ay umaayon sa aking nararamdaman, saya, kalungkutan, galit, bagot, at iba pang salik ng damdamin. Pinagagaan nito ang aking pakiramdam at sa pagpapalipas ko ng oras ay nakakaakit ito ng kanyang mga tagapakinig para ito magtanong at makilagay sa kani-kanilang mga audio devices (MP3 player, iPod, mobile phones, flashdrives, atbp.). Kapag sa aking mga regular kong mga kliyente ay magpapamungkahi sila ng mga awiting nababagay sa kanilang personalidad at natutuwa naman ako na ang mga ibinibigay ko ay nahahanay sa kanilang hilig o genre. 


"Music expresses that which cannot be said and on which it is impossible to be silent." --- Victor Hugo
Nasasabi ng awitin ang anumang nararamdaman nito na hindi kayang mailabas ng nakakaramdam nito. Dito nababanaag ang mga mensaheng pumupukaw sa damdamin ng kanyang mga tagapakinig lalo na kapag ipinapatungkol ito sa kanilang kasalukuyan o nakaraan nitong naranasan. Sa isang iglap, naibabaling natin ang ating atensyon rito mula sa ating mga kinauupuan upang pakinggan ang bawat liriko ng awitin, kasabay ng malamig na tinig ng mang-aawit at nakakapanayong mga himig na dumadaloy rito.


Ganito tumatalab ang musika sa ating mga puso't isipan, kaya sinasabi ring isa ito sa maaaring kasangkapan upang ito ay maging bahagi ng ating kultura na siya namang yayakap sa kanyang pinagmulan lalo na kapag ang sariling wika ang ginamit sa kanyang mga liriko. Napapalawig nito ang mga matatalinghaga at malalalim na kahulugan na inihahatid ng awitin at ang mga balarilang napapaloob dito ay nakakadagdag din sa ating mga talasalitaan na maaari rin nating magamit sa pakikipagtalastasan.
"Kay ganda ng ating musika
Kay ganda ng ating musika
Ito ay atin, sariling atin
At sa habang buhay awitin natin.
"                                                                                       --- koro mula sa awiting "Kayganda ng Ating Musika" ni Hajji Alejandro
Ilan lamang ito sa mga maaaaring makatulong sa pagpapaangat para sa ating pambansang pagkakakilanlan at napakarami pang mga paraan upang tayo ay makatulong ukol rito. Sa patuloy na pag-inog ng mundo na ating ginagalawan, mahuhubog pa ito at sa mga darating mga panahon, bilang isang mamamayan ng bansang ito, tayo ay muling babangon mula sa ating kinasasadlakan at maipagmamalaki natin na tayo mismo ang naging susi sa pagsusulong nito. Kaya, bayang Pilipinas, ngayon ang ating simula tungo sa pagbabagong yaon. Humayo tayo't ipalaganap ang ating pagbabayanihan sa ngalan ng pagkakaisa. Pilipino tayo, sa isip, sa salita, at sa gawa.

No comments:

Post a Comment